Apat na milyong piso ang halaga ng breach of contract case na isinampa ng GMA Network laban kay Mohan Gumatay a.k.a. DJ Mo Twister at sa TV5.
Dalawang milyong piso ang hinihingi ng GMA Network mula kay DJ Mo at sa TV5 para sa damages, isang milyon para sa attorney's fees, at isang milyon bilang litigation fees.
Isinampa ng GMA-7 ang kaso sa Quezon City Prosecutors Office at diringgin ito sa sala ni Presiding Judge Santiago Arenas ng Branch 217 ng QC Regional Trial Court.
Nadamay sa kaso ang TV5 dahil kinuha nila ang serbisyo ni DJ Mo kahit hindi pa raw tapos ang kontrata nito sa Kapuso network. Co-host si DJ Mo sa showbiz-oriented talk show na Showbiz Central.
Nakasaad sa 16-page complaint ng GMA-7 na may exclusive talent contract sa kanila si DJ Mo at may bisa hanggang May 3, 2010 ang nabanggit na kasunduan. Pero may option to renew for a year ang GMA-7.
Humiling din ng Temporary Restraining Order (TRO) ang GMA-7 para ipahinto ng korte ang paglabas ni DJ Mo sa mga programa nito sa TV5—ang Juicy at Paparazzi, pati na sa ibang mga programa ng Kapatid network.
Napag-usapan sa recent episode ng Juicy ang demanda na nakaamba kay DJ Mo at ayon dito, ang mga abogado na ang mag-uusap tungkol sa problema nila ng GMA-7.